Sa pagdiriwang ng ika-45 taon sa showbiz ng nag-iisang Superstar, handog ng TV5 ang natatanging mga pagganap ni Ms. Nora Aunor ngayong weekend sa Untold Stories at Third Eye. Siguradong hindi na naman malilimutan ang mga papel na gagampanan ni Ate Guy sa mga nasabing palabas.
Humarap ang multi-awarded actress sa entertainment press para mag-promote ng kanyang espesyal na pagganap saUntold Stories bilang si Sister Thelma Layog at sa Third Eye bilang si Ditas Gregorio. Ilang araw lamang ang nakalipas mula nang makabalik ito mula sa Italya kung saan pinakita at pinarangalan ang pelikulang Thy Womb na idinirehe ni Brillante Mendoza.
Sa Untold Stories, gaganap si Ate Guy sa papel ng isang madreng piniling lumisan sa kumbento upang makasama ang lalaking minamahal. Ang naturang kwento ay hango sa tunay na buhay ng madre at ng kanyang asawang si Danny na gagampanan ni Yul Servo. Muling magtatambal ang dalawa matapos magkatrabaho sa pelikulang Naglalayag. Bagama’t pinagbigkis ng pag-ibig, hindi pa rin ligtas sa mga puna at pagsubok ang pagsasama ng dalawa — lalo pa’t halos dalawang dekada ang agwat ng kanilang mga edad.
Kaabang-abang din ang naiibang papel ni Ate Guy sa supernatural mystery drama na Third Eye. Siya rito si Ditas Gregorio, isang janitress sa isang paaralan na napilitang ipamalas ang mga ritwal na matagal na niyang tinalikuran upang sagipin ang mga inosenteng mag-aaral na sinapian ng demonyo. Sa direksyon ni Jon Red (siya rin naging direktor ni Ate Guy sa mini-seryeng Sa Ngalan ng Ina), ang episode na ito ay itinuturing na reunion project ni Ate Guy at ng Grand Slam actress na si Lorna Tolentino. May 30 taon na ang nakakalipas nang magsama ang dalawa sa kanilang unang pelikula (Mga Uod at Rosas). Kwento ni LT, “Sa taping, kapag eksena na niya [Ate Guy], pinapanood at napapamangha na lang ako sa kanya. I told myself, ‘I want to act with her in a full-length movie. Kahit saan niyo pa kami dalhin.’”
Tuwang-tuwa rin ang batang aktres at bida ng Third Eye na si Eula Caballero nang muling makasama si Ate Guy sa isang TV project. “Napayakap na lang ako kay Ina (tawag ni Eula kay Ate Guy) noong makita ko siya uli sa taping. I owe a lot to her because she was generous enough to teach me everything when we were taping for Sa Ngalan.”
Matagumpay na pagpapalabas ng Thy Womb sa 69th Venice International Festival kung saan nag-uwi ng Bisato d'Oro Award si Ate Guy. Iginawad ang parangal ng isang grupo ng independent film critics doon. Bitbit naman ni Direk Brillante ang La Navicella Venezia Cinema Award mula sa Rivista del Cinematografo. Habang nandoon si Ate Guy, ipinalabas din ang restored at high-definition version ng Himala sa naturang film festival. Magkakaroon din ng special screening ang Thy Womb sa Toronto International Film Festival (TIFF).
Kaliwa’t kanan ang ipinapamalas na pagkilala sa kontribusyon ni Ate Guy sa showbiz. Kasalukuyang itinatanghal ang Bonana nauna nang pinagbidahan ng Superstar sa pelikulang idinerehe ni Lino Brocka. Pag-amin ng Noranian na si Eugene Domingo na siyang gumaganap na makabagong Bona, gusto niyang ma-please si Ate Guy sa kanyang pagbibigay-buhay sa karakter na minsan nang pinasikat ng Superstar. “Ang gusto ko mangyari, maaliw si Ate Guy sa Bona naming ito. Ilang taon, ilang dekada niya tayong inaliw sa mahusay niyang pagganap, panahon na na siya naman ang ating aliwin,” pahayag ni Uge.
Huwag palalampasin ang back-to-back drama special ng nag-iisang Superstar ngayong Sabado sa Untold Stories(pagkatapos ng Artista Academy) at sa Linggo sa Third Eye (pagkatapos ng Who Wants to Be a Millionaire) sa TV5.