Thursday, November 24, 2011

Bagong Mga Kapatid tampok sa Bagong Season ng BATIBOT


Ang pinakaminamahal na children’s show ng mga Pinoy, ang Batibot, ay magdiriwang ng ikatlong season nito ngayong Sabado (Nobyembre 26) sa pamamagitan ng patuloy na paggabay sa bagong henerasyon ng mga bata sa masayang mundo ng kaalaman. Kasabay ng katanyagan ng TV5 Kids block, nanguna din ang Batibot sa viewership ng mga bata sa timeslot nito at ito ngayo’y maghahatid ng pinakabagong segments at characters na mas lalong magpapasaya sa mga batang manonood.

Ang mga bagong muppets na sina Sitsiritsit, Alibangbang at Tarsi ay makakasama sina Kuya Fidel (Abner Delina), Ate Maya (Kakki Teodoro), Kapitan Basa, Manang Bola, Ning Ning, Ging Ging, at Koko Kwik-Kwak sa pagkukwento gamit ang iba’t-ibang illustrations, art forms at live action films, paghahatid ng nakatutuwang interactive games at pagtuturo ng step-by-step instructions sa paggawa ng iba’t-ibang bagay.

Sa ikatlong season ng Batibot, ang mga bata ay may pagkakataong magpadala ng kani-kanilang artwork, photos at pati na rin videos kasama ang kanilang mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya. Bukod dito, paniguradong matutuwa at aabangan ng mga bata ang launch ng pinaka-cool at pinaka-interactive na Batibot website na kung saan maaari nilang makilala ng husto ang mga host ng programa pati na rin ang mga muppets, mapanood ang mga Batibot clips at magpadala ng kanilang fan art para maisama sa naturang website.

Wag papalampasin ang pagsisimula ng ikatlong season ng Batibot ngayong Nobyembre 26 sa TV5. Mapapanood ang Batibot Season 3 Lunes hanggang Biyernes, 9:30 ng umaga at tuwing Sabado, 8:30 ng umaga.

No comments: