Friday, April 13, 2012

Miss World Philippines, nasa TV5 na!


Nakahanap ng bagong tahanan ang Miss World Philippines sa TV5, ang pinaka- agresibong broadcast network sa bansa.



Matapos ang matagumpay na kauna-unahang Miss World Philippines noong nakaraang taon at ang pagiging 1st Runner-up ni Gwendoline Ruais sa Miss World pageant sa London, England, ang pinaka-prestihiyosong beauty pageant ay naghahanda para sa mas malaki at makabuluhang selebrasyon ng “Beauty with a Purpose,” na nagbibigay diin sa advocacy ng Miss World na tulungan ang mga kapus palad na kababaihan at kabataan sa mundo.


At ngayong TV5 na ang opisyal na media partner nito, inaasahang palalawigin ng Miss World Philippines ang paghahanap sa mga naggagandahang Pinay para sa isang once-in-a-lifetime na pagkakataong ipakita ang kagandahan at kinang ng makabagong Pilipina sa buong mundo.


Sa pamumuno ng beauty and wellness guru na si Cory Quirino, magsisimula ng galugarin ng Miss World Pilippines ang buong bansa para sa karapat-dapat na kandidatang nagtataglay ng katangiang magbibigay ng pag-asang makamit ang koronang naging mailap para sa Pilipinas sa loob ng 61 na taon.


Ngayong taon, ang Miss World Pageant ay gaganapin sa Agosto 16 sa Ordos, Inner Mongolia, China, kung saan 113 na mga kandidata mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang magtatagisan ng galing para maiuwi ang korona at tanghaling pinaka-magandang babae sa mundo.


Ang Miss World ang pinaka-malaki at pinaka-matandang pageant sa kasaysayan na itinatag pa noong 1951 sa London, England.


Ang contract signing ay naganap sa pagitan ng TV5 President at CEO Atty. Ray Espinosa at ang Chair at CEO ng CQ Global Quest Inc at Miss World Philippines 2012 Pageant Director na si Cory Quirino.


Sa Hunyo, ipapalabas ng live sa TV5 ang Miss World Philippines 2012 na gaganapin sa Manila Hotel. Ang pinaka-aabangang Miss World Pageant na gaganapin sa Inner Mongolia, China ay mapapanood din ng live sa TV5 sa Agosto.

No comments: