Nagpahayag ng pagsuporta ang mga ehekutibo ng TV5 kabilang na si Chairman Manny V. Pangilinan(pangalawa sa kaliwa), President at CEO Atty. Ray C. Espinosa (pangalawa sa kanan) at Executive Vice President at COO Roberto V. Barreiro (pinaka-kaliwa) sa pagsabak ni Derek Ramsay bilang opisyal na sports ambassador ng istasyon sa nalalapit na London Olympics 2012. Makikita rin sa larawan ang manager ni Derek na si Jojie Dingcong (pinaka-kanan).
Sa nakaraang contract signing na ginanap sa First Pacific Leadership Academy, iginiit ng mga bossing ng TV5 ang mahalagang papel ni Derek sa layunin ng network na hikayatin ang mas maraming Pilipino na lumahok sa larangan ng palakasan.
Nakatakdang pangunahan ni Derek ang delegasyon ng TV sa London ngayong Hulyo upang ihatid ang pinakamahahalagang pangyayari sa iba’t ibang sporting events sa Olympics, partikular na sa mga isports na lalahukan ng mga atletang Pinoy.
Ngunit bago pa sumabak sa kanyang tungkulin sa London, nahaharap naman sa matinding hamon si Derek bilang host ng The Amazing Race Philippines, ang pinaka-premyadong reality show sa buong mundo na nalalapit nang umere sa Philippine TV bago matapos ang taon. Pag-amin pa ni Derek, mahalagang parte ng paglipat niya sa Kapatid Network ang oportunidad na magamit niya ang kanyang hilig sa isports sa kanyang trabaho sa network.